2019: Masaya
Patapos na ang taon.
Sabi nga nila, pahina 364 na ng librong may 365 na pahina.
Hindi man ganoon kasaya ang pasko dahil di kami magkakasamang pamilya noong alas dose ng Disyembre 25 (oo, dinamdam ko talaga iyon haha), masasabi kong mas masaya ako ngayon kaysa noong 2018. At seryoso ako sa pasasalamat ko sa Panginoon.
Malaki sa kadahilanan ay dahil sa nakilala ko si Dan. Paulit ulit kong sasabihin na masaya akong nakilala ko siya, kung ano man ang mangyari sa amin sa huli, wala akong pagsisisihan.
Kasama rin sa mga dahilan siyempre ang pamilya ko, wala naman akong paborito sa kanila pero masaya ako tuwing nagkukwentuhan kaming magkakapatid. Tila ba hindi kami nagsakitan noong mga bata pa kami :)) Masaya akong tuwing lumalabas kami para kumain o manuod ng sine. Siguro sa susunod na taon, gagawin kong layunin ang makahalubilo naman ang aking mga magulang.
Isa pa sa mga dahilan ay ang aking mga kaibigan. Halos buwan buwan ata ako may kinikitang kaibigan. Yung halakhak na naibibigay nila kakaiba. Nakakakalimot sa problema. Kaya nga pambalanse ko talaga si Dan, pinapapaalala niya ang problema at sasabihin kailangan itong lutasin. Naisingit pa nga.
Pagod at kunsumi man ako sa trabaho, masaya pa din. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro dahil sa masaya pa ako sa ginagawa ko. Hindi man dahil sa mga nangyayari sa opisina pero nakakaraos pa naman ako sa araw araw dahil gusto ko ang ginagawa ko.
Sa madaling sabi lang naman, masaya ako. Seryosong masaya ako sa kung nasan man ako ngayon. At iyon ang ipinagpapasalamat ko sa Panginoon. Alam ng malalapit sa akin kung gaano ako katakot sa kaarawan at sa pagtatapos ng taon sa kadahilanang napapabaliktanaw ako sa mga nangyari at baka hindi ko magustuhan. Pero ngayon, isang malaking pasasalamat lang ang masasabi ko sa Panginoon. Oo, siguro, hihilingin ko na din na sana mas masaya pa ulit sa susunod na taon.
Mas malusog na pangangatawan (handa na baaaa? XD)
Mas maayos na paghawak ng pera (kakayaniiiin! :))
Mas maghahangad ng bagong kaalaman (para sa ekonomiya! :D)
Mas malapit sa Diyos at pamilya (matatag naman na ang mga pagkakaibigan na meron ako ;))
Mas mabait pang Merryl O:)
Muli't muli, lubos na pasasalamat sa Diyos sa isa na namang taon na pagsagip sa kalungkutan at kadiliman, at hinayaan pa niya kong mabuhay. Hindi lamang basta mabuhay, kundi mabuhay ng masaya.
------
Whew. Mej mahirap magtagalog ah. Hahaha.