Paalam, Lola
Itatry kong magsulat. Isulat lahat ng nararamdaman ko. Mula sa pag quit ko maglaro ng Ragnarok hanggang pagkamatay ng Lola ko. Sa loob ng tatlong linggo, yung simple depression na naramdaman ko sa paglalaro, di ko inakalang aabot sa depression ng di pagtanggap na tao lang ako, hindi ko hawak ang mga nangyayari.
Kung maputol man itong pagsusulat ko, pasensya na. Maaaring magulo na ang utak ko o di kaya ay di ko na alam kung pano pa itutuloy.
Pero sa ngayon, kamusta ako?
Hindi ko alam. Bagsak. Alam mo yung pakiramdam na lugmok? Onti na lang hahalik na sa lupa? Hindi ko maipinta sa utak ko ang larawan ng lungkot bukod sa isang malaking kwadradong itim. Kwadrado, kahit saan itim ang makikita. Kwadrado, alam kong may hangganan.
Alam ko namang matatapos din tong lungkot na nararamdaman ko. Andyan ang pamilya at kaibigan. At grasya mula sa Makapangyarihan. Alam kong malalagpasan ko din ito.
Pero. Masakit, mabigat, madilim. Hindi ko alam san kakapit, san hahawak para hindi matumba. Hindi ko alam kung kanino magkkwento, kanino iiyak para hindi mawasak.Pakiramdam ko kailangan kong kayanin mag isa. Hindi ako ang anak ni Lola. Mas malala malamang ang sakit na nararamdaman nila. Sabi nila, dahil daw ako ang nakasama hanggang sa huli kaya ganito kabigat sakin. Baka nga.
Kung hindi ako pumili ng ospital. Kung di ko sinabing inuubo si Lola. Kung hindi ako ang kasama niya. Kung mas naging malambing ako. Kung pinilit ko pa siya kumain ng madami. Kung mas naging matapang ako sa pakikipagusap sa mga doktor? Ano kaya nangyari? Buhay pa kaya si Lola?
Nagustuhan ni Lola yung puto at leche flan na ginawa ko. Pati yung graham cake and canapes nung New Year. Mas gusto niya din adobong baboy ko kesa sa luto nina nanay at ate. Pero wala na kong magagawa ngayon.
Noong napagod ako at huminga nang, "Lord, kayo na po bahala." Pinakinggan niya ko. Kung di ko ba sinabi yon, iba mangyayari? Hindi ko na alam kung ano iisipin ko.
Gusto ko na lang ipasok sa utak at isip ko, nasa plano lahat ng Maykapal ang nangyari at mga mangyayari. Mahal ng Diyos ang pamilya ko.
