Heto na naman
May dilim na paparating
Sa silid kung saan halakhak ang maririnig
Tila ba nagsasabing humikbi
Hanggang lumala ang pighati
May dilim na umaaligid
Sa puso kong labis ang pagkapit
Tila ba nagtatangkang pumalit
Sa liwanag na iniingatan ang sindi
May dilim na sumisilip
Sa silid kung saan maningning ang ngiti
Tila ba nagpaparamdam ng panganib
Sa buhay na ang paghinga ay pinipilit