Pangarap na Inaasam
Mahal
Inaasam mo ba ang walang hanggan
Inaasam mo ba ang mga araw
Na gigising ka at ang mga mata ko 
Ang una mong masisilayan
Inaasam mo ba ang bawat umagang
Kakain mo ang almusal
Na aking ihahanda para sa iyo
Inaasam mo ba ang bawat oras
Na magkasama tayong mag aaral
Tahimik sa kanya't kanyang lugar
Tutuklasin ang mga bagay na itinatanong natin
Inaasam mo ba ang tanghaling
Magkekwentuhan tayo tungkol 
Sa mga pangyayari sa buhay natin
Noon, kahapon, at kanina
Inaasam mo ba ang mga hapon
Na ramdam mo ang sikat ng araw
At pakiramdam ng pahinga
Sa piling ng isa't isa
Inaasam mo ba ang panahon
Kung kailan gagawin natin ang mga bagay
Na gusto nating gawin habang may buhay pa
Inaasam mo ba ang hapunan
Na ipagluluto kita ng mainit na sabaw
At mararamdaman mo ang aking pagmamahal
Inaasam mo ba ang aking pagmamahal
Na araw araw ay ipaparamdam
Sa mga sasaglit na pagkakataon
Na hindi kakain ng oras mo
Na hindi aagawin ang pangarap mo
Na hindi ilalayo ang puso mo
Sa mga bagay na alam kong
Magpapasaya sa iyo
Mahal
Inaasam mo ba ang bawat gabi
Na ako ang huli mong makikita
Bago ipikit ang iyong mga mata
Bago managinip ng masasayang bagay
Bago tuluyang mawala ako sa eksena
Dahil ako, Mahal
Inaasam kita sa araw, sa hapon, at sa gabi 
Inaasam kita kahapon, ngayon, at bukas
Inaasam kita sa luha, ngiti, at pangarap
Patawad, kung inaasam kita
Para ako ay tuluyang maging masaya