Pagmamahal at Kamatayan

Photo not mine: https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/d/d4/Juan_Luna_Spoliarium.jpg
Kasama ako sa mga nanuod ng Heneral Luna. Tulad ng movie na ito, meron ding disclaimer ang entry na ito. 

Pinaunang salita na ang palabas na aming nakita ay produkto ng pinaghalong katotohanan at imahinasyon. Hindi lahat ng aming napanuod ay totoong nangyari noon. At dahil dito, tulad ng aking laging sinasabi, takot ako magcomment sa mga diskusyon na tungkol sa pulitika. Oo, tamad ako magresearch at isa ako sa mga naging estudyante na ayaw sa subject na History, pero aminin nating lahat, kahit ang pinakamagaling na kritiko ng pulitika ay hindi alam ang katotohanan sa bawat panig. Dahil dito, sino ba naman ako para magsalita? 

Isa ito sa mga ikinahihiya ko bilang Iskolar ng Bayan. Pinipili kong huwag mangialam sa mga bagay na patungkol sa bansa at pulitika. Pinipili kong hindi magbigay ng opinyon dahil laging pumapasok sa isip ko, hindi ko alam kung ano mismo tumatakbo sa utak ng mga taong hindi ko kilala sa personal - PNoy, Binay, Ex Pres Arroyo at kung sinu sino pang maingay sa larangan ng pulitika, malinis man ang pangalan o hindi.

Mapunta tayo sa movie.

Umiyak ako. Sobrang sakit sa pakiramdam ng nakikita ko. Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan ang tumatakbo sa loob ng mga utak ng mga taong nananakit pisikal man o emosyonal. Anong nasa isip ni Aguinaldo noong ipinapatay niya Bonifacio? Ano ang nasa isip ng nagpapatay kay Luna? Hindi makatao. Ang sakit sa puso na malamang may nabubuhay o nabuhay na mga taong kayang saktan ang kapwa nila. 

Kung tatanungin niyo ako, kung kasama ako sa gabinete na nagpupulong doon sa movie, nasa panig ako na pipiliin ang katahimikan. Dun ako sa panig na mas gugustuhing makipag usap ng maayos sa mga Amerikano. Dahil naniniwala ako na sa kabila ng mga bawat galaw ng mga tao, may mabuting dahilan. Lahat ng tao, may mabuting puso. Kaya naniniwala ako sa peace talk.

Sa ipinakita sa movie, ano ang dahilan ng pumatay kay Luna? Inggit? Galit? Kailan naging sapat na dahilan ang mga ito para pumatay? Oo, mayabang nga naman si Luna. Pero sapat ba ang mga ito para tapusin ang buhay ng isang tao na labis na nagmamahal sa kanyang lupang sinilangan? Minahal ni Luna ang Pilipinas ng higit sa kanyang buhay, ipaintindi niyo sa akin kung bakit nagawa ng mga tao noon na saktan at kitilin ang buhay niya. Hindi ko maintindihan.

Nasaktan ako sa pinanuod ko. Siguro nga ako yung taong ayaw tumanggap ng realidad. Sa simpleang insidente noong nasnatch-an ako ng phone, hindi ko inakalang nag-e-exist talaga ang mga snatcher. Nasaan ang mga puso ng mga taong tulad ng mga 'to? Nasaan ang puso ng mga taong kayang pumatay ng tao? Nasaan ang mga puso ng mga taong kayang magnakaw, hindi lang ng phone kundi ng pera ng bayan? Nasaan ang mga puso ng mga taong kayang manakit ng dadamdamin ng mga taong tunay na nagmamahal? Nasaan ang puso ng mga taong minahal ko?

Siguro nga kaya ganito kabigat sa pakiramdam ang pinanuod ko. Ang sakit at hindi ko alam paano iisipin na sa totoong buhay, may mga taong hindi ka maiintindihan kaya sasaktan ka na lang. 

Mabalik ulit tayo sa movie.

Tulad ng sinabi ko sa kaibigan ko kanina, mabuti na lamang at hindi na katulad dati ang mga nakaupo sa gobyerno. Walang eksenang pagpapatay. At idinadasal kong hindi tayo ulit babalik sa ganong panahon. 

Oo, maganda yung palabas. Mapapaisip ka. Madadala ka. Mamumulat ka. Sana ganitong mga klaseng palabas ang ipagpatuloy na likahain dito sa bansa. Syempre, hindi pa rin mawawala ang mga masasayang palabas. Hello, Pilipino pa din tayo. Mahilig sa masaya, sa mabubuting bagay.